Ang Makabagong Lumad

•Disyembre 8, 2007 • Mga Puna

sumilao.jpg

Makalipas ang mahigit dalawang buwan ng walang kapagurang paglalakad mula pa sa kamindanawan, bitbit ang kanilang pag-asa na mapakikinggan ng mga kinauukulan ang kanilang mga hinaing, nasa Maynila na ang mga Lumad.

Ilang dekada na ang lumipas ng unang angkinin ng iba ang sarili nilang lupain. Mulat mula pa, ipinaglaban na nila ang karapatan sa mga lupang ito ng mapayapa at hindi kailanman ginamitan ng dahas. Kung ang iba’y nawlan na ng pag-asa sa mapayapang pamamaraan at kusa nang nag-armas para sa pakikibaka, sila ay patuloy na umaasa, na sa mapayapang paraan, ang hustisya ay makakamit.

Matapos mabigo sa inaasam na pakikipag-usap sa mga nasa poder ng Palasyo, ang mga Lumad ay hindi uuwing bigo. Dahil sa kanilang angking determinasyon, pinukaw nila ang mga damdamin ng mga Pilipino na umaasa sa pagbabago.

Hindi ang mga rebeldeng sundalo, hindi ang mga bayarang alipores ng mga pulitiko ang magpapaluhod sa mga naghaharing uri kundi sila. Sila na walang ibang agenda kundi hustisya. Sila ang bagong magpapasiklab ng mga damdamin ng taong-bayan na animoy nangagsawa na sa magulong bangayan sa pulitika. Sila ang pupukaw sa bayan upang magkaroon ng bagong pag-asa.

Sila ang mga makabagong Lumad.

Ang may-akda ay nakiki-isa sa kanilang adhikaing mapanumbalik ang kanilang sariling mga lupain na minana pa nila sa kanilang mga ninuno. Para sa mga karagdagang impormasyon bisitahin ang Lakas Sumilaw

Ang TraPorma 2010!

•Disyembre 1, 2007 • Mga Puna

Espesyal na palaman dito sa blog na ito ang mga pumoporma sa darating na halalang 2010. Kung inyong makikita sa isang maliit na espasyo sa sidebar, nakakabit ang mga sites ng ating mga Traporma 2010.

Sila ang mga kasalukuyang pumoporma at nag-aastang maging pangulo ng bansa.  Sa mga susunod na mga araw patungo sa araw mismo ng halalan, atin silang patuloy na bubusisiin at kakapanayamin upang mailahad at malaman ng taong bayan ang kanilang pagkatao at plataporma para sa bansa.

Ang hanay na yaon ay maaari at malamang pang madagdagan, depende sa mga pulitikong pilit pa ring magpapa-pogi sa sambayanan. Maaari ding dagdagan ng may-akda ang listahan, base sa mga iba pang trapong lalahok maging sa senado man o kung saan.

Kung me espesyal na trapo, ilalagay natin sya rito.

At kung may aapela at sasabihin na sila ay hindi trapo katulad ng aking patutsada dito, isa lang ang sasabihin ko: Patunayan mo!

Ibangon ang Bayan

•Nobyembre 30, 2007 • Mag-iwan ng Puna

Ilang dekada na ang lumipas. Matagal nang giniginaw sa kanyang mausoleo si Makoy. Nakailang Edsa na ang ating nilahukan. Kayrami na’ng mga kasama ang binawian ng buhay, mula sa pagpapahirap ng militar at gayun din sa mga balang nagmula rin sa mismong kasama na naglilinis ng hanay.

Ang iba, nailigtas man ang sariling buhay, hindi naman nailigtas ang sariling pag-asa ng pagbabago at binawian na rin ng kung anumang natitirang pang lakas na ipagpatuloy pa ang laban.

Iba’t ibang larangan ng pakikibaka, tungo sa pag-unlad ng buhay.. ng bayan… tunggalian. Saan mang sulok ng mundo, anumang oras, ano mang paraan, makakayanan pa rin ng bayan.

Sa karimlan ng kawalang pag-asa tungo sa hinahangad na pagbabago, tayo ay walang karapatan na manatiling pipi at bingi sa mga pangyayari. Kahit pa animoy walang kapararakan at walang kinahihinatnan ang gawain, kailangan nating manatili sa ating paninindigan.

Magkaiba man ang ating mga pinagmulan, mga katayuan s buhay, mga paniniwala, mga angking kulay, tayo ay iisang lahi, iisang bayan. At marahil, iisa ang ating dalangin, ang makitang maayos ang ating inangbayan. Hindi natin kailangang hayaan na maghari ang mga mapag-imbot sa lipunan.

Layunin ng munting blog na ito na magkaroon ng malayang talakayan ng mga ideya, pag-aaral, pag-aanalisa, pagpuna, paglalatag ng bagong mga alternatibo upang maisulong ang mga bagay na makakatulong sa pagpapa-unlad ng bayan. Hindi lamang sa hanay ng pulitika kundi anumang isyu na may kinalaman sa bayan.

Isang magiging malaking paksa dito ang mga naghaharing sistema ng tradisyunal na pulitika at ang darating na halalan sa 2010. Bagamat malayo pa ang naturang halalan, pumoporma na at kanya-kanya nang papogi ang iba’t ibang mga pulitiko para dito. Kung kaya’t marapat lamang na tayo bilang mga mamamayan na syang pipili sa kanila ay mag-umpisa na rin silang hubaran ng maskara at mailantad ang kanilang “inner trapo”.

bannerflag.jpg

Kung kaya kabayan, ngayong kaarawan ng bayani ng mahihirap, sa ating munting pamamaraan, itutuloy natin ang laban, sama-sama nating Ibangon ang Bayan.

Padayon!

•Oktubre 22, 2007 • Mga Puna

Ang blog na ito ay kasalukuyang binubuo pa.